Search This Blog

Saturday, March 10, 2018

WALO

Alam kong hindi naging madali nakalipas nating Pito
Patong patong na problema ang sa atin ay ibinato
Di nila aakalain na aabot pa tayo ng ikaWalo
Sadya sigurong di tayo kayang paghiwayin ng kahit anong gulo

Dumapong karamdaman sa aki’y anong sakit
Dagdag hirap sa atin parusa ba ito ng langit
O isang pagsubok lamang upang lalo tayong kumapit
Sa Diyos na may alam humawak tayo ng mahigpit

Walong milya man ang lalakbaying lubak na daan
Walong libong beses mang madapa at masugatan
Hindi pagigiba at mapapagod ating mga katawan
Dahil sa loob nito ay mga puso nating nagmamahalan

Sa ikawalong taon natin ngayon ay uumpisahan
Mga pangarap natin atin nang bigyang katuparan
Isantabi na natin mga malungkot na nakaraan
At ating yakapin ang ating magandang kinabukasan

“Seven Year Itch” ika nga nila ay atin nang nalampasan
Simula na ng Walo na hugis Infinity and Beyond
Kahit ano pang problema ang sa atin ay dumaan
Sabay natin itong haharapin at pagtatagumpayan




Thursday, January 25, 2018

Babalik Sa'yo


Di ko alam kung paano ang araw ay magsisimula

Di ako alam kung anong kinabukasan sa aki’y nakahanda

Isa lang ang aking nais na ikaw ay naroon

Bawat oras, bawat minuto, bawat segundo bawat pagkakataon


Mabilis man ang pag ikot ng mundo

Mahirap man maramdaman ang bilis ng ikot nito

Ang maliwanag ay ikaw nasa tabi ko

Kung nasaan ka ay siguradong naroon ako


Malayo man ang aking marating

Ilang bundok man kailangang tawirin

Ilang dagat man kailangan languyin

Ako ay babalik parati sa iyong piling


Tulad ko ay isang alon

Na laging babalik sa iyong dalampasigan

Liparin man ng hangin

Dalhin man ng bagyo

Babalik at babalik pa rin ako sayo


Sunday, January 7, 2018

Kasama sa Inyong Paglalakbay


Nais kong maging perpekto sa iyong pagtingin
Maging isang huwaran at iyong tingalain
Ngunit ako ay napakalayo sa perpektong nanaisin
Maraming kabiguan, kamalian nakakabit sa akin

Nais kayong bigyan magandang kinabukasan
Maaliwalas na paligid at masayang tahanan
Ngunit sadyang mahirap aking nasimulan
Mga plano sa buhay hindi naisakatuparan

Ngunit kahit na ano pang hirap aking maranasan
Pangakong magandang buhay pipiliting ibigay
Kabutihang loob at magandang asal aking inaasam
Na inyong maging gabay at sa puso ay taglay

Magandang edukasyon sa inyo’y ibibigay
Pagiging mabuting tao ang sa inyo’y gagabay
Sa mas magandang buhay ito ang siyang tulay
Higit pa sa anumang karangyaan ng buhay

Saan ka man patungo, kasama mo ako
Nais ko’y lahat ng pangarap mo’y magkatotoo
Kahit saan kahit kailan hindi magbabago
Kapag kailangan mo ay narito lang ako

Kaya habang tinatahak ang daan ng inyong buhay
Hinahanap ang tamang daan upang gawing makulay
Makaranas man ng Kabiguan o tagumpay
Lagi akong narito kasama sa iyong paglalakbay